Friday, May 9, 2008

Kim and Gerald, 'di nai-insecure sa bagong batch ng PBB Teen

Lalong tumitindi ang tambalan nina Kim Chiu at Gerald Anderson.
Sa unang bahagi ng 2008, dalawang proyekto na agad ang nakalinya para sa kanila. Isa na rito ang horror series na Maligno sa ABS-CBN.
Nagsimula na rin ang Pinoy Big Brother Teen Edition. May mga bagong mukha na namang sisikat, pero hindi naman nababahala rito ang pinakamalaking produkto ng unang season na sina Kim at Gerald.
Malayo na rin kasi ang nararating ng love team na ito at napatunayan na nila ang kanilang sarili sa industriya.
Dalawang pelikulang pumatok sa takilya, isang teleseryeng sinubaybayan ng marami, hindi mabilang na TV shows at endorsements ang magpapatunay na may kinalalagyan na ang tambalan nila sa mundo ng showbiz.
Kamakailan lang, ikinatuwa nila nang husto ang pagkakapili sa kanila para gawin ang Pinoy version ng hit Koreanovelang My Girl, na ireremake ng Dos.
“Wala talaga, as in wala akong idea at all. Ipinagdasal ko lang talaga na sana, magkaroon ako ng bagong project. Tapos ayun, nagkatotoo nga ,” masayang wika ni Kim.
Hindi naitago ni Kim ang galak at napaiyak pa sa presscon kung saan napag-alaman niyang siya ang napiling gumanap na bida sa naturang programa.
Pero, bago pa man nila simulan ang My Girl, mapapanood muna sila sa ikalawang pagtatanghal ng Sineserye Presents: The Susan Roces Cinema Collection, ang horror series na Maligno, kasama si Claudine Barretto at Diether Ocampo.
Kakaibang Kim at Gerald ang mapapanood natin sa Maligno dahil seryoso ang mga papel na gagampanan nila rito.
“Challenging ito for us dahil hindi light romance ang kuwento.
“Medyo dark at nakatatakot kaya serious acting rin ang required sa amin ni Kim,” ani Gerald.
Halong kaba at saya ang nararamdaman ni Kim sa paggawa ng proyektong ito, dahil makakasama niya sa eksena ang kanyang idolong si Claudine Barretto.
“Idol ko po talaga si Ms. Claudine. Hanggang ngayon nga ay nai-starstruck pa rin ako sa kanya.
“Kapag kinakausap niya ko hindi ako makasagot. Pero, dream come true po na makasama ko siya sa isang show,” pahayag ng dalaga.
Sa itinatakbo ng career nina Kim at Gerald ngayon, walang dahilan para kabahan sila sa pagdating ng mga bagong mukha sa PBB Teen Edition 2.

No comments: